Atake sa Mga Katutubo - Itigil na!
Ang LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights) ay nababahala at mariing kinukundena ang sunod-sunod na pag-atake ng pwersa ng pamahalaang Duterte sa mga katutubong mamamayan.
Ang pag-aresto sa 26 na kabataang Lumad at mga guro mula sa Lumad Bakwit School na nasa loob ng University of San Carlos sa Cebu, ay ang pinakahuling insidente ng karahasan laban sa mga katutubo. Sinundan nito ang ilan sa mga high profile na insidente, tulad na lang ng pag-aresto at pagsampa ng kasong terorismo laban sa mga Aeta na si Japer Jurong at Junior Ramos, at pagdetine sa kasama nilang dalawa pang babaeng menor de edad sa DSWD; at ang Tumandok massacre kung saan 9 na lider ang pinatay, at 18 na Tumandok na babae at lalaki ang inaresto. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sila ay mga myembro ng New People’s Army (NPA) at nanlaban. Kasalukuyan ding may kasong “violation of quarantine protocols” ang lider katutubong si Rolanda Pulido at 15 kabababihang Tuwali ng Brgy. Didipio, Kasibu matapos bayolenteng buwagin ng mga pulis ang kanilang barikadahan.
Bakit mainit ang mga mata, at ang pwersa ng pamahalaang Duterte sa mga katutubong mamamayan? Dahil ba sa kanilang patuloy na pagdipensa sa kanilang mga lupaing ninuno? Na nakakadiskaril sa kuntsabahan ng estado at mga pribadong kumpanya sa pag-angkin at pagsasamantala sa mga likas yaman sa loob ng lupaing ninuno?
Ang mga Tuwali sa Kasibu ay halos dalawang dekada nang tumututol sa mapanirang pagmimina ng OceanaGold Philippines, Inc. Ang naganap na paglikas ng mga Aeta sa Sitio Lumibao sa San Marcelino, Zambales matapos bombahin ng militar ang kanilang komunidad ay napapabalitang may kinalaman sa mining explorations ng Dizon Copper-Silver Mines, Inc. Ang mga lider Tumandok ay kilalang nanindigan laban sa Jalaur Mega Dam sa Panay. At malaki rin ang presensya ng militar sa lupaing ninuno ng mga Dumagat sa Sierra Madre, kung saan itatayo ang Kaliwa Dam, na malakas na tinututulan ng mga katutubo dito.
Nakababahala din ang malaking papel ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa serye ng mga pag-atake sa mga katutubo. Sa kanilang ahensya nagmumula ang pahayag na 70% ng NPA ay mga katutubo. Kaya naman ito ang nagiging mabilis na paratang sa mga katutubong mamamayan na nagtutulak ng kanilang karapatan, at nagiging katwiran sa pagdakip, o pagpatay sa kanila. Ang Chair ng NCIP na si Allen Capuyan ay s’ya ring Executive Director ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC). Ang NTF ELCAC ang nangunguna sa pag-aakusa ng mga aktibista, human rights defender, at mga aktibong community leaders, bilang komunista o terorista, na walang ebidensya, o s’yang nangunguna sa pang-re-red-tag. Napakaraming mga lider katutubong kababaihan ang nabibikitima ng red-tagging ng NTF ELCAC. At napakalaki ng takot na dinudulot nito sa kanilang pamayanan.
Ang raid na isinagawa ng kapulisan sa University of San Carlos, at pagdampot sa 26 na kabataang Lumad kasama ang kanilang mga guro at elders, ay isang klarong harassment at paglabag sa karapatan ng mga katutubo. Walang malinaw at ligal na basehan ang pagdampot, at paratang na ang mga estudyanteng Lumad ng Lumad Bakwit School ay biktima ng kidnapping. Sila ay nag-aaral, at pilit na kumukuha ng edukasyon sa tulong ng iba, sa labas ng kanilang komunidad dahil sila nga ay bakwit, biktima ng militarisasyon ng kanilang lupaing ninuno. Pero ayon sa pulis, ang mga kabataang Lumad daw ay sumasailalim sa training para lumahok sa NPA at maging child warriors. Kasama sa dinampot ay si Chad Booc, isa sa mga boluntaryong guro, at isa sa mga petitioners ng IP petition laban sa Anti-Terrorism Act of 2020. Ang mga katutubo ay nag-sampa ng petisyon sa Korte Suprema laban sa naturang batas. Malaki ang pangamba ng nga katutubo na magagamit ang batas na ito para bigyan ng ligal na basehan ang mga red-tagging, harassment, at pagpapatahimik sa kanila.
Ang pag-aresto sa mga guro at balak na pagsampa ng kasong “trafficking” at “kidnapping” laban sa kanila, sa kabila ng mismong tindig ng University of San Carlos na ang mga kabataang Lumad ay lehitimong kinukupkop ng Pamantasan, ay malinaw na atake sa mga katutubo at sa karapatan nila sa edukasyon. Ito ay malinaw na terorismo ng estado.
Marami pa ang mga insidente ng pananakot, at karahasan laban sa mga katutubong mamamayan. Isa na dito ang gawa-gawang kasong pagpatay na isinampa laban kay Windel Bolinget, Chair ng Cordillera People’s Alliance, at katulad ni Chad Booc, ay kasama rin sa IP petition sa Korte Suprema. Nitong Enero ay naglabas si Cordillera police chief Rwin Pagkalinawan ng shoot-to-kill order laban kay Bolinget kung sakaling s’ya raw ay manlaban. Marami pa ang hindi naibabalita, o ayaw nang ipabalita dahil na rin sa matinding takot.
Malinaw sa mga sunod-sunod na insidenteng ito – na may sistematikong pag-atake ng estado, gamit ang kapulisan at hukbong-sandatahan, sa mga katutubong lumalaban para sa kanilang karapatan – karapatan sa kanilang pagkakalilanlan at karapatan sa kanilang lupaing ninuno. Ang serye ng tumitinding pag-atake ng mga armadong ahensya ng gobyerno, ay patunay lamang na ang naghahasik ng terorismo ay ang mga naka-uniporme, armado, at direktang nagpapatupad ng polisiya ng karahasan ng pamahalaan. Ang mga insidente rin na ito ay katotohanang matagal nang kinakatakutan ng mga tagapagtanggol ng karapatan – na ang Anti-Terrorism Act ay unti-unti nang sinusupil at kinikitil ang sino mang di sumang-ayon at tumindig laban sa administrayong Duterte.
Kaya ang aming panawagan –
Itigil ang karahasan laban sa katutubong mamamayan! Ibasura ang Anti-Terrorism Law!
Kilalanin at igalang ang karapatan sa lupaing ninuno, sariling pagpapasya, at pagkakakilanlan.
#IPLivesMatter
#StopRedTagging #FreeLumad26 #ScrapTerrorLaw