Sinalanta ng Bagyong Paeng ang iba’t ibang bahagi ng Maguindanao na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa noong Oktubre 27, 2022. Ang bagyo ay nagdulot ng paglikas ng mga katutubong Teduray mula sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao matapos silang mawalan ng tirahan, at mga mahal sa buhay.
Pasado alas dose ng hating gabi noong Oktubre 27 ay nangyari ang malagim na trahedyang sinapit ng buong Relocation Site ng Sitio Tinabon, Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsut, Maguindanao kung saan naganap ang landslide at flashflood. Marami sa mga residente ang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon sa mga awtoridad, 23 pa lang ang na-recover na bangkay mula sa relocation site, at marami pa ang hinahanap ng mga kaanak. Karamihan sa mga ito ay mga katutubong Teduray, at muslim. Samantalang ang mga survivor ay dinala sa itinalagang evacuation center ng Broce Elementary School, Episcopal Diocese Compound sa Cotabato City, Tamontaka at Awang, Datu Odin, Sinsuat, Maguindanao.
Ayon sa salaysay ni Marjorie Limbungan, isang katutubong Teduray at survivor, ilang minuto bago ang landslide sa Brgy. Kusiong ay nakalikas pa sila ngunit habang papalayo sa lugar ay nakarinig sila ng sigawan at iyakan na nasundan ng tunog ng rumaragasang tubig at mga bato. Kinaumagahan ay bumalik sila sa kanilang mga tirahan ngunit ang nadatnan na lang nila ay ang mga bato at lupa na nakabalot sa mga kabahayan.
“Sobrang lakas ng ulan mula alas 7 ng gabi hanggang hating gabi… karamihan sa aming mga kapitbahay ay tulog na. Nakarinig kami ng siren mula sa simbahan ng Episcopal at agad na kaming sumigaw na kailangan na naming lumikas… yung iba nahirapan sa pag-alis dahil malakas na ang agos ng tubig na may kasamang lupa at mga bato,” sabi ni Marjorie.
Ayon kay Janeth Mokudef, isang katutubong kababaihang Teduray na nakatira sa Brgy. Kusiong, ay dati silang nakatira sa Sitio Tinabon malapit sa dagat ngunit dahil sa pagsulpot ng mga beach resorts sa kanilang lugar ay inilipat sila sa relocation site malapit sa paanan ng bundok sa Brgy. Kusiong noong December 1, 2022.
“Ayaw sana naminn na ilipat kami doon [relocation site] pero wala kaming magawa kasi doon lang kami pwedeng tumira. Ayaw sana namin kasi siksikan kami doon. Pero ginawa na nilang beach resort yung dati naming tirahan kaya doon kami tumira sa relocation site,” saad ni Janeth.
Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng ayuda sa lahat ng mga nasalanta ng Bagyong Paeng. Tuloy tuloy din ang paghahanap sa mga nawawala pang mga residente sa pangunguna ng rescue team ng BARMM, Cotabato City Bureau of Fire Protection, AFP, PNP, at Coastguard.
Nag-alay naman ng ritwal sa pangunguna ng mga Kemamal Kaadatan (KK) spiritual leaders sa mismong Relocation Sites sa Sitio Tinabon, Barangay Kusiong upang humingi ng paumanhin sa mga ninuno at humingi din ng gabay sa panginoon na sana pagalingin at bigyang lakas ang mga naulilang pamilya ng mga namatay.
Panawagan din nila na sana ay bigyang atensyon ng gobyerno ang tunay na kalagayan ng mga katutubong komunidad sa Maguindanao na nakakaranas ng displacement dahil sa pag-agaw ng mga lupaing ninuno.
Larawan kuha ni Rizell Andil | Oktubre 28, 2022