Courage. Integrity. Loyalty.
Presidente Duterte, hindi kami magsasawang ikundena ang kabastusan, ang paghihikayat ng krimen at karahasan laban sa kababaihan. At lalong hindi kami masasanay sa mga ito.
Muli, sinabi ng Presidente na ang rape, na isang krimen, heinous crime, ay pwede nyang patawarin, na ok lang ito – at gawing katawa-tawa. Ang paulit-ulit nyang pagsabi nito lalo’t higit sa mga magiging sundalo ng ating bayan, ay pag-institutionalize o gawing katanggap-tanggap na bahagi ng gawain, at pribelehiyo, ng mga lalaking may kapangyarihan, at armado.
Mga graduate ng PMA, samahan nyo kaming basagin ang abusado, mapang-api at marahas na pag-iisip na ito.
Sa inyo nakasalalay ang pag-angat ng karangalan ng pagiging sundalo para sa bayan; ang pagbibigay dignidad sa ibig sabihin ng paninilbihan para sa mamamayan. Ang inyong loyalty o katapatan ay hindi sa president kung hindi sa bayan.
COURAGE, INTEGRITY, LOYALTY.
KATAPANGAN – ang ipaglaban ang katotohanan, ang tama, at ang karapatan ng bawa’t isa, lalo’t higit ng kababaihan.
INTEGRIDAD – ang di pagbitiw sa mga prinsipyo at manindigan para sa mga ito; at huwag maging sunod-sunuran sa mga baluktot na pagiisip ng may kapangyarihan.
KATAPATAN – hindi sa Commander-in-Chief, kung hindi sa mga mamamayan at sa bayan.
Yan sana, dapat, ang mga panghawakan nyo, mga bagong sundalo ng bayan.
Photo credit: Philippine Star