Pinangunahan ng mga Katutubong Kababaihang Lambangian ang isang dayalogo kasama ang opisyal ng barangay sa Barangay Kuya, South Upi, Maguindanao del Sur noong Pebrero 23, 2023. Layunin ng dayalogo na mailapit sa mga opisyal ng barangay ang mga gawain at programa ng organisasyon sa pagtataguyod ng Karapatan ng mga katutubong kababaihan sa komunidad.
Ilan sa mga inilapit na agenda sa barangay ay ang pagkakaroon ng capacity building trainings para sa mga katutubong kababaihang Lambangian sa barangay partikular sa kabuhayan, karapatan sa lupaing ninuno, at pangangalaga sa kalikasan. Dagdag dito ay ang mga pagaaral sa mga batas at polisiya kaugnay sa mga katutubong kababaihan katulad ng Republic Act 11596 o Prohibition of Child Marriages Act, Cultural Sensitivity trainings, at iba pa.
Ayon sa barangay IPMR na si Racky Batitao, ang dayalogo ay simula ng ugnayan ng barangay sa mga katutubong kababaihan sa komunidad ng Barangay Kuya. Nangako ang IPMR ng barangay na makakaasa ang mga katutubong kababaihan sa kanyang suporta.
"Sana ay magpatuloy ang mga dayalogo at maipatupad ang mga plano ng mga kababaihan. Ako’y nagpapasalamat sa mga magandang plano para sa kinabukasan ng ating pamilya, at ng mga organisasyon at asosasyon, ” saad ni IPMR Batitao.
Ang dayalogo ay dinaluhan ng 23 na katutubong kababaihan, at ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng barangay.