Ika-4 ng Oktubre taong kasalukuyan ay ipinagdiwang ng Timuay Justice and Governance (TJG), ang Indigenous Peoples Structure ng mga tribong Teduray at Lambangian ang ika-27th na anibersaryo nito sa Tuladan Center, Sitio Kefengfeng, Barangay Darugao, Upi Maguindanao.
Nagsimula ang pagdiriwang sa isang ritwal sa pangunguna ni Kemamal Kaadatan Solomon Gandingan. Nasa nasabing pagdiriwang ang mga Minted sa Inged (MSI o Supreme Council of Leaders), Timuay Labi Leticio Datuwata , Titay Bleyen Santos Unsad, at mga Baglalan (mga katutubong kababaihang lider sa mga komunidad) na nagmula sa iba't-ibang Fënuwo kasama ang Inged Fintailan at ang Teduray Lambangian Youth Student Association (TLYSA). Nagmula sa iba’t-ibang bahagi ng anim na munisipalidad ng Upi, South Upi, Datu Odin Sinsuat, Datu Blah Sinsuat, Sultan Kudarat, at Ampatuan Maguindanao ang mga dumalo sa nasabing pagtitipon.
Ang Timuay Justice and Governance o mas kilala sa katawagang Kësëfananguwit Timuay ay ang pamamaraan o sistema ng pamumuno at pamamahala ng katutubong Tëduray at Lambangian. Nagkaroon ng kauna unahang Timfada Limod o tribal congress ang TJG noong Oktubre 4, 1995. Dahil na rin sa pagsusumikap ng mga katutubong lider at ang patuloy na paggiit sa karapatan ng mga katutubo ay tuluyan itong naitatag noong 1995 at naging bahagi ng local government. Naisabatas din ang Indigenous Peoples Rights Act noong 1997 sa pagsusumikap ng iba't-ibang tribu sa bansa at mga suportang grupo. Naging ganap na Indigenous Political Structure (IPS) ang TJG sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas na pinasinayaan ng National Commission for Indigenous Peoples (NCIP).
Bahagi ng naging pagdiriwang ang pagtalakay sa iba’t-ibang isyu na kinakaharap ng tribong Teduray at Lambangian. Kabilang na dito ang patuloy na pag-agaw ng lupa sa loob ng ancestral domain, mining exploration, IP killings, at iba pa.