Napakahalaga sa buhay naming mga Erumanen ne Menuvu mula sa Midsayap, Cotabato ang pagtatanim. Partikular ang tinatawag na Suragad o ang tradisyunal na katutubong pamamaraan ng pagtatanim.
Ang katutubong Erumanen ne Menuvu ay nagtatanim ng mga saging, mais, mani, kamote, kamoteng kahoy, gabi, kape, mga halamang gamot, at iba pa. Sa tuwing kami ay may mga bisita, ang mga ani mula sa suragad din ang una namin inihahain.
Dito kami kumukuha ng pagkain sa pang araw-araw. Nagbibigay din ito sa amin ng kapanatagan dahil alam namin na ang pagkaing aming kinakain ay ligtas sapagkat hindi ito ginagamitan ng mga nakalalasong kemikal. Noong nagkaroon ng pandemya o ng krisis sa pagkain dulot ng pagbabago ng klima (climate change), ito ay naging panghalili naming sa aming pagkain.
Noon pa man ang pagtatanim na ng suragad ang aming ikinabubuhay. Hanggang ngayon, kahit na may makabagong sistema na ng pagtatanim ay ipinagpapatuloy pa rin namin ang tradisyunal na pamamaraan ng pagtatanim sapagkat ito ay bahagi ng aming kultura, tradisyon, at pagsisiguro na kami ay may sapat, ligtas, at malusog na pagkain para sa aming mga pamilya at komunidad.
PHOTO: Erumenen ne Menuvu Young Women and Umalohokan Team during their field work in Brgy. Milaya, Midsayap, North Cotabato