Nagmartsa ang humigit kumulang 500 na katutubong Tëduray at Lambangian mula sa Barangay Kuya at Remongaob, South Upi, Maguindanao noong Disyembre 7, 2023 upang tutulan ang panukalang mineral reservation sa lupaing ninuno ng mga katutubo. Tinatayang may 3,566 ektarya ang panukalang mineral reservation sa loob ng dalawang barangay sa Maguindanao del Sur kung saan sakop ang Tëduray at Lambangian Ancestral Domain. Nagtipon ang mga katutubong Teduray at Lambangian sa pangunguna ng Task Force Bantay Kalikasan (TFBK) at Tanggol Karapatan ng Katutubong Kababaihan (TK3) upang iparating sa kinauukulan ang kanilang pagtutol sa nasabing panukala.
Simula taong 2004, ilang mga korporasyon na ang nagtangkang pumasok sa mga barangay sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur upang magmina nang walang maayos na pahintulot sa mga katutubo, at lihis sa proseso ng konsultasyon. Taon-taon, nag-iiwan ang mga korporasyon na ito ng higit sa 25 na butas sa mga komunidad, bitbit ang matitinding banta sa seguridad, kabuhayan, kalusugan, at kalikasan.
May dalang takot at pangamba ang panukalang mineral reservation sa mga Tëduray at Lambangian. Matatamaan ng nasabing mineral reservation ang mga natitirang kagubatan sa lugar tulad ng Uga, Fëngalungon at Kinëmkëm, ang Mt. Kulayan at Mt. Dakeluwan — mga sagradong lugar para sa Tëduray at Lambangian, at ang libingan ng mga katutubong ninuno. Kung matutuloy ang mineral reservation, mawawalan din ng tirahan ang mga katutubong Tëduray at Lambangian.
“Dito po namatay ang aming mga magulang kaya sana maging kami at ang susunod pang henerasyon ay manirahan dito,” pakiusap ni Tessie Ambol, isang Inged Fintailan mula sa Barangay Kuya, South Upi.
Sa kabila ng nakaambang mga epekto ng panukala at paghahanda ng mga tao, nagulantang ang mga residente nang biglaang inanunsyo ng Sangguniang Bayan ang kanselasyon ng nakatakdang public hearing.
Ayon sa notice of cancellation, magdaraos na lamang ng isang Information Education Campaign (IEC) na tatalakay sa mga resulta ng pag-aaral ng Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE).
Sa pangunguna ng TFBK at TK3, nakiisa ang mga apektadong komunidad sa pagmartsa laban sa mineral reservation at sa nangyaring kawalan ng koordinasyon sa mga tao ukol sa kanselasyon.
Hinarap ni South Upi Vice Mayor Roldan Benito ang grupo at hiniling nito na iwasan muna ang pagbigay ng negatibong komento sa mineral reservation dahil hindi pa raw alam ng mga tao kung makabubuti ito sa kanilang bayan.
Palagay ni Mary Joie Meliz, isang Teduray woman leader, ang pagkansela ng hearing ay isang pagtatangka na lituhin ang mga katutubong komunidad. “[A]ng pagbabago ng programa [ng public hearing] ay isang paraan para lituhin kami. Mahihirapan kami na ipahayag ang aming pagtutol sa panukalang mineral reservation sa loob ng aming fusaka inged (lupaing ninuno) dahil karamihan sa amin ay illiterate.”
Idinidiin ng grupo na lumalabag ito sa karapatan nila sa free, prior, and informed consent (FPIC) na nakasaad sa RA 8317 o Indigenous Peoples’ Rights Act of 2007.
Paalala ni TFBK Chairperson Titay Bleyen Santos Unsad na kasalukuyan nang nakahain sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang Teduray–Lambangian Ancestral Domain Claim (TLADC) na sinasagasaan ng planong mineral reservation.
Hanay ang pagkilos noong Disyembre 7 sa kabuuang panawagan na bigyang-halaga ng pamahalaan ang karapatang pantao ng mga katutubo at kilalanin ang pagmamay-ari nila sa kanilang mga lupain.
“Panawagan namin sa gobyerno na sana ‘yung karapatan namin bilang mga indigenous people ay pakikinggan po nila at magpaalam po sila sa amin kung anuman ‘yung gagawin nila sa lugar namin. Nabubuhay kami diyan sa lupa namin. Wala na po kaming ibang mapupuntahan. Mula noong unang panahon kung saan-saan kami umaabot. Bakwit dito, bakwit doon. Hanggang ngayon ba ay papaalisin kami sa sarili naming lupa? ‘Yan nalang po ang natitirang lupa namin. Saan pa kami kung kukunin pa nila gagawing mineral reservation?” giit ni Elmer Saclayan, TFBK spokesperson.
Ipinaliwanag din niya ang halaga ng lupain at ang ugnay nito sa kanilang pagkain. “Maituturing namin ang lupang ninuno bilang karugtong ng aming buhay dahil diyan mismo sa lupa kinukuha ang kinakain namin. Ngayon kung sisirain ng gobyerno, [s]aan na po kami kukuha ng aming makakain?”
“Wala na kaming ibang pagtamnan ng aming mga pananim. Ang pera ay madaling maubos, pero ang lupa ay hanggang sa mga susunod pang salinlahi,” sang-ayon ni Salvador Ampok, isang tribal leader mula sa Barangay Romongaob. “Kaya lahat kami ay tutol sa mineral reservation.”“Ang nasa isipan ko ay hindi masira ang fusaka inged, itong ancestral domain natin. Kahit bayaran man ako hindi ko gusto. Ikakamatay ko man, tutol ako,” ani pa ng elder na si Tita Man.