Sa araw na ito ay ginugunita natin ang Pandaigdigang araw ng Karapatang Pantao. Pitongput-Tatlong (73) taon na ang nakalipas simula ng ito ay lagdaan ngunit patuloy pa rin ang ating pakikibaka para sa karapatang pantao lalo na para sa mga katutubong komunidad.
Kung susuriin natin ang kasalukuyang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa, malawakan ang karahasan na ating nararanasan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Patuloy ang mga pagpatay at ang red-tagging sa mga katutubong pamayanan. Umiigting pa ang panggigipit, pagpapatahimik, at pagyurak sa mga katutubong lider na walang ibang hangad kundi ang pangalagaan ang likas yaman. Nandiyan pa rin ang Anti-Terrorism Law na siyang dahilan ng matinding surveillance sa mga katutubong komunidad. Nagdadala ito ng takot at pangamba lalo na sa mga lider na katutubong kababaihan at kabataan.
Tatak ng administrasyong Duterte ang karahasan. Sa loob ng kanyang panunungkulan, ito ay ibinaon sa ating lipunan. Ayaw na namin na may muling pagdanak ng dugo. Itigil na ang karahasan at ang pagkitil ng mga buhay.
Sa darating na halalan 2022, ang LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights) kasama ang mga partner namin na katutubong kababaihan ay nagnanais na magkaroon ng mga bagong lider. Kailangan natin ng bagong gubyerno na may pagkalinga sa mamamayan at magtutulak ng pagpapanagot sa mga karahasang idinulot at patuloy na idinudulot ng kasalukuyang administrasyon. Kailangan natin ng mga bagong lider na may pagpapahalaga at paggalang sa ating mga karapatang pantao.
Sa darating na Mayo 2022, ipanalo natin ang karapatang pantao!