Ang batas ay dapat para sa lahat. Ang karapatan ng lahat ay dapat pantay-pantay na napoprotektahan ng batas. Subalit, kadalasan, ang mga batas ay may pagkiling sa interes ng mga nagiging kabahagi ng sistema ng paggawa ng batas – mismong uri at pangekonomiyang katayuan ng mga mambabatas, mga pwersa at impluwensya sa likod nitong mga mambabatas.
Sa karanasan ng mga taong mahihirap at maliliit, ang batas ay ginagamit para sila ay mapagsamantalahan ng mga nasa kapangyarihan. Ganito ang kasaysayan ng mga katutubong mamamayan. Ganito rin ang kasaysayan ng mga kababaihan, lalo na sa mga kanayunan.
Kaya kinailangan ng batas na tutugon sa tunay na pangangailangan ng mga katutubong mamamayan, at kababaihan, at kikilala sa mga karapatan nila.
Noong 1997, naisabatas ang Rep. Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA). Ito ay matapos halos isang dekadang konsultasyon sa mga lider katutubo at sa kanilang mga pamayanan ng lengwaheng gagamitin sa panukalang batas, at paglo-lobi sa kongreso. Masalimuot ang proseso na yon, lalo pa’t malalim ang di pagtitiwala ng mga katutubo sa sistema ng batas (legal system).
Ang pagtutulak ng isang batas para sa katutubo ay bahagi ng deka-dekadang taon ng pakikibaka ng mga katutubo na kilalanin ng pamahalaan ang kanilang karapatan bilang tao, at bilang katutubo – na may sariling lupaing ninuno, paraan ng pamamahala, sistema ng katarungan, sistema ng kaalaman, at sistema ng pamumuhay.
Marami nang buhay ang nasawi, maraming komunidad ang nasira, at malawak na ring lupain ng mga katutubo ang naagaw, at napinsalang likas yaman sa panahon ng pakikibaka ng mga katutubo.
Kaya naman nanaig ang kagustuhan na magkaron ng maaaring panghawakan ang mga katutubo ng isang batas na magtataguyod ng kanilang mga batayang karapatan.
Sa IPRA, kinikilala ang apat na bigkis na karapatan o 4 bundles of rights – 1- ang karapatan sa lupaing ninuno (rights to ancestral domain); 2 – karapatan sa sariling pamamahala at pagbibigay-kapangyarihan (right to self-governance and empowerment); 3 – katarungang panlipunan at karapatang pantao (social justice and human rights); 4 – integridad pang-kultural (cultural integrity).
Sa IPRA, nalikha ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), na syang may pangunahing responsibilidad sa proteksyon at promosyon ng karapatan at kagalingan ng mga katutubo.
Sa IPRA, nabigyang halaga ang katutubong pamayanan sa Pilipinas.
Pero ang pangako ng IPRA ay hindi rin madaling napapatupad. Halos magdadalawmpung taon na rin mula naisabatas ito, pero hindi pa nangangahalahati sa target ng NCIP ang bilang ng na-isyu ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT). Malaki rin ang problema ng NCIP sa kanyang kredibilidad at integridad bilang institusyon. Madalas sa hindi, ang tingin ng mga katutubong komunidad na ang mga tauhan ng NCIP ay mas nagsisilbi sa interes ng mga korporasyong gustong pumasok sa kanilang lupaing ninuno; o tila walang pagkaunawa sa kanyang gawain.
Sa kabila nito, ang IPRA ay mahalaga pa rin bilang minimum na pamantayan ng pagkilala ng karapatan ng mga katutubo sa Pilipinas.
Hindi naiiba ang kasaysayan ng Magna Carta of Women (MCW) o Rep. Act of 9710, sa IPRA. Hugot ang laman ng MCW na ito mula sa mahaba at madugong pakikibaka ng ng mga kababaihan, lalo na ang mga nasa kanayunan na bahagi ng iba’t ibang sektor ng lipunan – magsasaka, manggagawa, mangingisda; kabilang na rin ang mga katutubong kababaihan. Nang ito ay pinasa noong 2009, mahaba na ang tinakbo ng iba’t ibang gawaing pang-lobby at kampanya ng mga alyansa, pederasyon at kilusan ng mga kababaihan. Ang MCW ay naglalayong buwagin ang patuloy na diskriminasyon laban sa mga kababai- 3 Paunang Salita han, lalo na sa mga mahihirap na kababaihan. Ito ay isang kumprehensibong batas na naglalaman ng karapatan ng mga kababaihan, tulad ng – pangangalaga mula sa karahasan; pakikilahok at representasyon sa lahat ng saklaw ng lipunan, lalo na sa pagdedesisyon at pagbuo ng patakaran sa pamahalaan at pribadong entidad; pantay na pagtingin sa Batas; karapatan ng kababaihan sa kalusugan; pantay na karapatan sa lahat ng usapin na may kaugnayan sa pag-aasawa at ugnayang pamilya.
Pero anim na taon na ang nakalipas, tila hindi pa laganap kahit sa loob ng mga ahensya ng pamahalaan ang laman ng MCW, at ano ang mga tungkulin nila ukol dito. Sa katunayan, kamakailan lamang sa taong ito nabuo ang Gender Ombud guidelines ng Komisyon ng Karapatang Pantao o CHR. Ayon sa MCW, ang CHR ang tinakdang Gender and Develoment Ombud, na may mandato na magmonitor kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, sa pagsusulong ng mga panukatan at patnubay upang magampanan ang kanilang mga tungkulin na may kaugnayan sa karapatang pantao ng kababaihan, kabilang ang kanilang karapatan ng kawalang diskriminasyon na tinitiyak sa Batas na ito.
Ang pagpasa ng mga batas na ito ay bahagi lamang ng pakikibaka ng mga kilusan para sa pagkilala ng estado sa karapatan ng mga katutubong mamamayan, at kababaihan; at ang kanyang tungkulin para pangalagaan at itaguyod ang mga ito.
Naniniwala ang LILAK na may kahinaan man ang mga batas na ito, at hindi sakto sa pangngailangan ng mga katutubong mamayan at kababaihan, mayroon pa ring gamit ang mga ito – bilang plataporma kung saan maaaring pag-usapan ang karapatan ng mga katutubong kababaihan, at ang tungkulin ng estado para kilalanin, protektahan at itaguyod ang mga ito.
Ang dalawang pagkakakilanlan o identity ng katutubong kababaihan – bilang katutubo, at bilang babae – ay kadalasang nagiging dahilan ng diskriminasyon at marginalisasyon. Kaya ang dalawang batas na ito – IPRA at MCW ay mahalagang instrumento na maaaring gamitin bilang tulong sa pagpuksa ng kaapihang ito.
Kaya mahalaga na ating malaman at maintindihan ang gamit at ang mga limitasyon ng mga batas na ito. Ang batas ay magiging makahulugan lamang kung ito ay ginagamit upang maging batayan ng panawagan para sa karapatan, at tungtungan para papanagutin ang pamahalaan sa kanyang tungkulin. Mahalaga rin ang gamit nito bilang isang instrumento ng pag-oorganisa sa hanay ng mga katutubong kababaihan.
Ang paglilimbag nang magkasama ang dalawang batas na ito ay isang maliit na kontribusyon ng LILAK sa mga lider, organisador, mga katutubo, at mga kababaihan, tungo sa mas maalam, mapanuri, at masigasig na paggigiit ng karapatan ng katutubong kababaihan.
by judy a. pasimio, coordinator, LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights)
Hunyo 25, 2015