Ganap na nakapagtapos sa Community Journalism Training ang 22 katutubong kababaihan mula sa iba’t ibang komunidad noong Nobyembre 29, 2022 sa University Hotel, UP Diliman, Quezon City. Sumailalim sa pagsasanay ang 22 katutubong kababaihang Kirinteken-Pulangeyen Manobo mula Bukidnon, Arumanen Ne Manubo ng Midsayap, North Cotabato, at Teduray at Lambangian na nagmula sa BARMM Region mula Setyembre hanggang Nobyembre taong 2022.
Ayon sa LILAK, layunin ng proyekto sa community journalism na bigyan ng pagsasanay at kapasidad ang mga katutubong kababaihan at katutubong kabataang kababaihan na maging Community Journalist. Sa pamamagitan ng programang ito ay makapaglalabas at makakapaglathala ang mga katutubong kababaihan ng mga tunay na nangyayari sa mga katutubong komunidad.
Nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa at suporta ang Foreign Federal Government of Germany Manila. Nagbigay din ng mga mensahe ng pakikiisa ang mga journalists mula sa Rappler, ang Women’s Legal Bureau, at ang award-winning filmmaker na si JL Burgos. Mahigit na 80 kababaihan ang dumalo sa pagtatapos ng training at ang opisyal na paglunsad sa Umalohokan indigenous women community journalists.
Bahagi rin ng mga pagaaral ay ang pag alam sa kasaysayan. Nagkaroon din ng mga educational field trip, at film showing ang mga katutubong kababaihan. Binisita ang Fort Santiago sa Intramuros upang ipakita ang kasaysayan ng pananakop at kalupitan ng mga Kastila sa Pilipinas, gayundin ng mga Amerikano at mga Hapon. Bumisita rin sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City upang ipaalala ang malagim na kasaysayan ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng Ferdinand Marcos Sr.
Nagkaroon din ng solidarity night o ReSister’s Night ang mga Umalohokan indigenous women kasama ang iba pang mga katutubong kababaihan na nagmula sa iba’t ibang katutubong komunidad sa Pilipinas. Nagpaunlak ang bandang General Strike at Talahib Peoples Music na tumugtog sa gabi ng pakikiisa at umawit ng mga musika ng pakikibaka at pagsulong ng karapatan at kapayapaan. Maging ang mga Katutubong kababaihan ay nag-kantahan, at nagsayawan.