Noong ika-28 at ika-29 ng Hulyo, 2022, kaming mga katutubong kababaihan magbuhat sa iba’t-ibang komunidad sa Luzon, Visayas, at Mindanao ay nagsama-sama para sa Pambansang Pagtitipon ng Katutubong Kababaihan (National Indigenous Women Gathering o NIWG) 2022. Ang pagtitipon, na ginanap online dahil sa pandemyang COVID-19, ay dinaluhan ng 97 na katutubong kababaihan mula sa mga komunidad ng Ata Bukidnon, Aeta Abelen, B’laan, Bontoc, Bukignon, Dumagat, Erumanen Menuvu, Hanunuo Mangyan, Higaonon, Ibaloi, Kirinteken Erumanen Menuvu, Lambangian, Mamanwa, Manobo, Mansaka, Subanen, Talaandig, Tao Buhid, T’boli, Teduray, at Tuwali.
Layunin ng pagtitipon ay mapag-usapan ang kalagayan ng mga katutubong kababaihan at aming komunidad, at mapagkaisahan ang mga magiging aksyon at panawagan upang matugunan ang mga isyu ng bawat isa. Ngayong taon, ang tema ng pagtitipon ay, “Lakas ng Katutubong Kababaihan, Pagtibayin Para sa Lupa, Kalikasan, Katarungan, at Karapatan”. Sa pamamagitan ng isang malayang espasyo para makapagbalitaan, makapagkumustahan, makapagdamayan, at makapagplano, nais naming ipagpatuloy ang pagpapalakas sa aming mga sarili, sa aming mga boses, at sa aming kapangyarihang makapagdulot ng pagbabago sa polisiya at pag-unlad ng bansa.
Taong 2022, wala na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto. Ang buong bansa ay nakatuon ngayon ang atensyon sa bagong Pangulong Ferdinand Mercos Jr. at kanyang bise-presidente na si Sara Duterte. Pero anu-ano nga ba ang mga iniwan ni dating Pang. Duterte sa atin?
Impunidad o walang pagpapanagot. Hanggang ngayon ay wala pa ring hustisya sa mahigit 30 libong pinatay na walang habas sa War on Drugs, 60 libong namatay sa pandemyang COVID-19 dahil na rin sa walang maayos at sistematikong pagtugon, at gayundin ang halos 200 na pinatay na Tagapagtanggol ng Karapatang Pantao, Lupa at Kalikasan (Human Rights, Land, and Environmental Defenders). Ayon sa mga ulat1, nasa 92 na katutubo ang pinatay sa paraan ng extrajudicial killing, o pagpatay ng pulis o militar na walang pagpoproseso sa batas. Nasa 160 katutubo ang tinalang sugatan sa ganito ring paraan. May 6 na desaparasidos o mga winala, at 228 naman na ilegal na inaresto, ikinulong, o dinukot. Meron ding 27 katutubong itinalang tinortyur.
Sa ilalim din ng pamumuno ni dating Pang. Duterte isinabatas ang Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA), kung saan dalawang Aeta ang unang pinagbintangang terorista, inaresto, at, ayon sa mga ulat, ay tinortyur. Kasama nila ang dalawa pang denetinang menor de edad na kababaihang Aeta. Bago ang ATA ay naunang ipinasa ang Executive Order 70 ang pinagbasehan ng pagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), isang institusyon na nangunguna sa redtagging ng mga katutubong tagapagtanggol ng karapatang pantao at sumisiil sa kalayaan naming mag-organisa, kumilos, at magpahayag nang malaya.
Nitong kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ng bagong presidente, ipinahayag namin ang aming pagkadismaya sa hindi pagbanggit ni Pang. Marcos Jr. sa’ming mga katutubo. Ang hindi n’ya pagbanggit sa mga katutubo o sa aming mga ipinaglalaban ay malungkot at nakababahalang senyales na magpapatuloy ang aming paghihirap mula sa gubyernong Duterte; Na ang aming pakikibaka ay hindi pa rin matatapos, at ang aming mga boses ay hindi na naman pakikinggan. Ang hindi pagkilala sa pagsisiil sa amin ay pagnakaw sa amin ng hustisya, at ang kawalan ng katarungan ay pagtiyak ng pagpapatuloy ng aming kahirapan.
Hinanap naming mga katutubo ang aming lugar sa larawang ipininta ni Pang. Marcos Jr. sa kanyang SONA. Ang larawan ng masagana at modernisadong bansa. Nasaan kaya ang lugar namin dito? Nakasaad sa SONA ni Pang. Marcos Jr., na itutuloy n’ya ang Build, Build, Build, kung saan ang ilang mga proyekto ay nasa loob ng lupaing ninuno. Ang aming karapatan ay dapat pingangalagaan ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) o ang pagkuha ng aming pagpayag bago ang kung ano mang proyekto o programa sa loob ng aming lupaing ninuno. Pero ito ay kalimitan ipinagsasawalang-bahala at hindi sinusunod. Sa bagong administrasyong Marcos-Duterte, ito kaya ay masusunod? Pakikinggan, kikilanin, igagalang, at tutugunan kaya ang aming pakikibaka laban sa mapanirang minahan, industriyalisadong agrikultura, plantasyon, mega-dam, at iba pang mapanirang pagpapaunlad ng lupa?
Bukod sa aming pakikibaka para sa’ming karapatan, kaming mga katutubong kababaihan ay binabaka rin ang kaliwa’t-kanang diskriminasyon at karahasan bunga ng aming pagiging katutubo at pagiging babae. Dahil sa diskriminasyon ay naranasan namin ang maisantabi ng gubyerno at hindi maisama sa pagbibigay ng ayuda at social services. Ito ay hindi na bago pero ang epekto nito ay mas tumindi magmula ng pandemyang COVID-19.
Sa kasagsagan ng pandemya at lockdown din ay walang nagawa ang maraming katutubong kababaihan, maging ang mga kabataan, kung ‘di manatili sa tahanan kung saan sila ay pinagsasamantalahan ng kanilang asawa, tiyuhin, kapatid, o kapitbahay. Ang hustisya para sa’ming mga biktima ng karahasan ay matigtig. Ang proseso ng pagkamit ng hustisya ay kagaya rin ng mga serbisyo ng gubyerno, malayo sa'min at mahirap abutin. Ang iniwan ni dating Pang. Duterte, ay marahas na pamamahala, kultura ng impunidad o walang pagpapanagot, at kultura ng misogyny, o ang matinding pagkapoot sa kababaihan. Ito kaya ay magbabago sa bagong pamahalaan?
Ang mga katutubong kababaihan ay may makabuluhan at hindi mapapantayang tungkulin sa’ming pamilya at komunidad. Ngunit kalimitan ay hindi kinikilala ang aming kalayaan, karapatan, at maging ang aming kagalingan magdesisyon para sa ikauunlad ng aming mga sarili, pamilya, at komunidad. Ang mga katutubong kababaihan ay may sariling pag-iisip, kahusayan, kasanayan, maging mga plano para sa ikauunlad. Kami ay magsasaka na may sariling paraan ng pagtatanim at pangangalaga sa lupa. Kami ay tagapangalaga ng kalikasan, lider, manggagamot, manggagawa, kabataan, matanda, Persons with Disabilities (PWD), at tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Mula sa dalawang araw ng aming pagtitipon, narito ang mga nais naming makitang pag-unlad sa bagong gubyerno.
ANG AMING MGA NAIS NA MAKITANG PAG-UNLAD SA BAGONG GUBYERNO
Upang maisakatuparan ang isang tunay na pagbabago, kailangang bigyang pansin at kagyat na bigyang aksyon ang mga sumusunod:
A. Itigil na ang patayan at ang lahat ng porma ng karahasan laban sa mga lider katutubo at sa mga katutubong pamayanan.
B. Magkaroon ng opisyal na bilang ng mga katutubo. Hanggang ngayon ay walang opisyal at tamang bilang ang mga katutubo. Kaya dapat maisama ang factor ng pagiging katutubo sa susunod na national census sa taong 2025. Hangga’t hindi bilang ang mga katutubo ay mananatili kaming invisible sa mga polisiya at programa ng pamahalaan.
C. Kilalanin, protektahan, at tuparin ang mga karapatan naming katutubong kababaihan alinsunod sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA) at Magna Carta of Women.
- Bigyang pansin at prayoridad at pabilisin ang pagbibigay ng matagal nang nabinbin na Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT) sa mga katutubong komunidad;
- Agarang ipahinto at pag-aralan ang mga proyektong may isyu sa Free, Prior, and Informed Concent (FPIC);
- Tuparin ng NCIP ang tamang proseso ng FPIC sa lahat ng mga proyekto at programa sa loob ng katutubong komunidad; Siguraduhin ang pagpapatupad ng en banc resolution sa partisipasyon ng kababaihan sa proseso ng FPIC;
- Siguraduhing may makabuluhang partisipasyon ang mga katutubong kababaihan sa mga konsultasyon at sa iba’t-ibang antas ng pagdedesisyon sa komunidad;
- Tuparin nang maayos ang proseso na itinakda ng IPRA para sa Indigenous People Mandatory Representative (IPMR); Siguraduhing patas at may pagkilala sa mga katutubong kababaihan at kabataan ang pagpapatupad nito;
- Bigyan ng suportang pinansyal at teknikal ang Ancestral Domains Sustainable Development and Protection Plan (ADSDPP) ng mga katutubong komunidad;
- Siguraduhin na ang NCIP at Philippine Commission on Women (PCW) ay nagpapatupad ng mga programang kumikilala at nagtataguyod ng karapatan naming mga katutubong kababaihan.
D. Kilalanin at protektahan ang kalayaan naming mga Katutubong Kababaihang Tagpagtanggol ng Karapatang Pantao, Lupa, at Kalikasan (Indigenous Women Human and Environmental Rights Defenders o IWHRD).
- Ipawalang-bisa ang mga batas na nagiging basehan ng pananakot at pagsisiil sa amin:
- Executive Order 70 (E.O. 70), at nang mabuwag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC);
- Anti-Terrorism Act of 2020;
- Mining Act of 1995 na s’yang nagpapahintulot ng pagpasok ng mapanirang mina sa lupaing ninuno
- Disarmahan ang lahat ng mga pribado at state-backed paramilitary groups sa loob ng lupaing ninuno; at
- Bigyang prayoridad ang pagpapasa ng mga batas na magpo-protekta sa amin bilang IWHRD:
- Human Rights Defenders Bill;
- Anti-Discrimination Bill;
- Anti-Red Tagging Bill; at
- Alternative Minerals Management Bill (AMMB).
E. Kilalanin at palakasin ang Katutubong Kaalaman, Sistema, at Kasanayan (Indigenous Knowledge, Systems, and Practices o IKSP) sa agrikultura at medisina, gayundin ang katutubong edukasyon (Tribal Schools, Schools of Living Tradition o SLT, at Indigenous Peoples Education o IPEd), at ang katutubong pamamahala (Indigenous Political Structures o IPS).
- Kilalanin at pondohan ang mga katutubong pamamaraan ng pagtatanim at pagsasaka (Katulad ng Sulagad/Suragad, isang agrikultural na pamamaraan ng mga katutubo);
- Isulong at suportahan ang papel na ginagampanan ng katutubong kababaihan sa agrikultura;
- Isabatas ang Organic Farming Act;
- Itigil ang pag-atake at sapilitang pagsasara sa mga Tribal Schools at kilalanin, suportahan, at palakasin ang pagpapalaganap ng mga Schools of Living Tradition (SLT) at Indigenous Peoples Education (IPEd);
- Kilalanin at palakasin ang mga Tradisyunal na Manggagamot at kanilang mga pamamaraan ng panggagamot;
- Kilalanin at palakasin ang mga Traditional Homebirth Attendants at kanilang pamamaraan ng pagpapaanak; Ipasawalang-batas ang mga ordinansang ginagawang krimen ang panganganak sa bahay, at ang pagmumulta sa mga Traditional Homebirth Attendants at mga nanay na nanganganak sa kanilang bahay; at
- Ilapit ang mga health centers sa mga katutubong pamayanan, at gawing kalidad, libre o abot-kaya, at naaayon sa kultura at reyalidad naming mga katutubong kababaihan ang mga reproductive and health services.
Kinikilala namin ang hangarin ng gubyernong paunlarin ang bansa. Ngunit ang aming hamon, kilalanin din ang kagalingan naming mga katutubo. Ang aming kaalaman sa tradisyunal na medisina, sa pagsasaka, at sa pangangalaga ng kalikasan, ay nararapat na isama ng gubyerno sa kanyang mga planong pagpapaunlad ng bansa. Ang aming mga karapatan ay hindi dapat tinatapakan ng kahit anong proyekto o programa ng gubyerno o kumpanya. Ang aming boses, bilang katutubo, at bilang babae, ay dapat pinalalakas at pinakikinggan.
Ang pag-unlad na tinutulak ng gubyernong Marcos-Duterte ay hindi kailanman makakamit hangga’t ang lupa at likas yaman ay pinagkakakitaan lamang at hindi inaalagaan; hangga’t kita ang mas pinapahalagahan sa halip na pagkain at kalusugan. At lalong hindi ito makakamit hangga’t ang mga katutubo at kababaihan, na silang mga tagapangalaga ng lupa at kalikasan, ay isinasantabi at pinag-iiwanan.
Kaming mga katutubong kababaihan ay magpapatuloy sa aming pakikibaka, pag-oorganisa, pagpapalakas, pagtatanggol ng aming karapatan, at pag-unlad sa’ming mga sarili, pamilya, at komunidad. Mula sa Pambansang Pagtitipon ng Katutubong Kababaihan, inaanyayahan namin ang mga kapwa naming katutubo at kapwa kababaihan na magkaisa, maging mapagbantay at mapanuri, at higit sa lahat, ipagpatuloy ang pagtindig para sa nais nating makamit na tunay na pagbabago, pag-unlad at dignidad para sa lahat.
Ang Pambansang Pagtitipon ng Katutubong Kababaihan 2022 ay binubuo ng mga katutubong kababaihan mula sa mga komunidad ng Ata Bukidnon, Aeta Abelen, B’laan, Bontoc, Bukignon, Dumagat, Erumanen Menuvu, Hanunuo Mangyan, Higaonon, Ibaloi, Kirinteken Erumanen Menuvu, Lambangian, Mamanwa, Manobo, Mansaka, Subanen, Talaandig, Tao Buhid, T’boli, Teduray, at Tuwali.
1. 1Sambubungan. (2021, November). Katutubong Adyenda 2021.