Pahayag ng mga Katutubong Kababaihan
Para sa March 8, International Women’s Day
Dahil sa lupa kami nabubuhay, dahil sa lupa kami pinapatay.
Kundi man biglaan at tahasan, kami ay pinapatay unti-unti, dahan-dahan; sa pamamagitan ng pagpasok ng mga dayuhan sa aming lupaing ninuno – para magmina, mag troso, magtayo ng dam, ng mga plantasyon, magbukas para sa turismo. Unti-unti kaming nasasakal sa kanilang pagbaliktad ng aming bundok, sa pagkalbo ng aming kagubatan, sa pagdumi ng mga ilog at karagatan, sa paglapastangan sa aming mga sagradong lugar.
Bilang mga nanay, ate, asawa, dalaga, lider kababaihan, aming pangunahing interes ay ang pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain para sa pamilya, ang magkaron ng regular na mapagkakakitaan at matiwasay na araw at gabi sa aming komunidad.
Pero yan ay lalong nagiging mailap na pangarap sa kasalukuyan. Magkatunggali ang pagtingin ng presidente sa aming kalagayan at ang katugunan sa aming kahirapan. Ang presidente ang nagsabi na sya mismo ang pipili ng mga minahan at plantasyon na papapasukin nya sa aming mga lupaing ninuno. Tila bulag sa mga pahirap na dinudulot ng ganitong klaseng proyekto sa amin bilang mga babae, at sa aming komunidad. Ilan nang mga asawa, kapwa lider kababaihan ang mga napatay dahil sa pakikipag laban sa mga mapanirang mga proyektong ito.
Kamakailan din ay nagsabi ang presidente na babayaran kaming mga katutubo ng P20,000 sa bawat komunista, terorista na aming mapatay. Hanap-buhay ba ang pagpatay? Sagrado ang buhay, at kaming mga kababaihan ang nauunang nagbibigay ng buhay. Hindi namin pagkakakitaan ang pagkitil nito.
Tila ginagawang bahagi ng kaisipan, ng kultura ang karahasan. Yan ang di namin mapapayagan. Kapayapaan ang aming pangarap; kapanatagan ang aming hangarin at tunay na kaunlaran na nakabatay sa aming kalagayan sa loob ng aming lupaing ninuno ang aming layunin.
Dapat nang iwaksi ang karahasan, ang patayan. Ang kailangan ay ang pagkalinga sa mamamayan. Sa aming mga katutubo, lalo’t higit sa mga kababaihan, ang nais namin ay tunay na serbisyung pangkalusugan, na may pagkilala sa aming kultura at sariling kaalaman sa pangangalaga ng aming katawan.
Dapat nang iwaksi ang pagsira ng kalikasan. Ang kailangan ay ang angkop at pangmatagalang pangkabuhayan upang ganap na maigpawan ang kahirapan at kagutumang nararanasan ng kababaihan at ng aming pamilya.
Sa lahat nang ito, kinikilala naming mga kababaihan na kami ay sumasalamin sa kalikasan, na kung kami ay tuwirang mapagsasamantalahan at di makakalinga ng ating pamahalaan, tulad din ng kalikasan, na lulugmok at tuluyang magiging kawalan ng sambayanan.
Ngunit, batid namin na ang tunay na lakas at pagbabago ay magaganap sa aming pagsasama-sama bilang katutubo, at pakiki-isa sa mas malawakang kilusan ng kababaihan.
KATARUNGAN, KABUHAYAN, KAPANGYARIHAN para sa KATUTUBONG KABABAIHAN!