Buhay ang alaala ng mga katutubong kababaihan at ng mga katutubong komunidad sa malawakang paglabag sa karapatang pantao, pag-agaw sa lupaing ninuno, at karahasan sa ilalim ng Batas Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Ang pagpasok ng mga malalaking korporasyon, malawakang plantasyon, dambuhalang dam, at minahan sa ilalim ng batas militar ay dahilan ng pag-agaw sa lupaing ninuno na siyang sagradong tahanan ng mga katutubo. Kasabay nito ay ang matinding militarisasyon, displacement, at pang-aabuso sa mga katutubo at kababaihan.
Ngunit sa taong ito, isang Marcos ang kasalukuyang nakaupo sa pinakamataas na posisyon ng pamahalaan at nagsasabing paiigtingin ng kanyang administrasyon ang pagpasok ng mga malalaking korporasyon at foreign investments sa bansa pati ang pagpapatuloy ng mapanirang pagmimina upang makaahon ang bansa sa kahirapan - sa bansang kanilang pinagnakawan at pinagdahasan.
Mula noon at hanggang ngayon ay nananatiling malaking banta sa mga katutubo ang mga polisiya at proyektong ang tingin sa katutubo at likas yaman ay negosyo o pagkakakitaan lamang. Habang patuloy ang kanilang pagdepensa ng kanilang lupaing ninuno ay wala namang tigil ang pagnanakaw sa kanilang katotohanan, at pagpapalaganap ng kasinungalingan laban sa kanila, upang sila’y pigilin, takutin, at patahimikin.
Sa ika-50 taon mula ng ang Martial Law ay ideklara noong 1972 at sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., ang LILAK Purple Action for Indigenous Women’s Rights at ang mga katutubong kababaihan ay patuloy na magku-kwento ng katotohanan - ng pang-aapi, karahasan, kawalan ng kaunlaran sa katutubong komunidad, at ng kanilang walang humpay na pakikibaka para sa karapatan sa sariling pagpapasya. Patuloy rin ang paglaban at pagsisiwalat ng kasinungalingan hanggang ang tanging manaig lamang ay katotohanan.
Katutubong Kababaihan, Patuloy ang Panawagan
#NeverForget! #ML50 #KatutubongLilak