Ang LILAK ay mariing kinukondena ang pagpatay kina Angel Rivas, Lenie Rivas at Willy Rodriguez, mga Manobo mula sa Sitio Manluy-a, Brgy. Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong ika-15 ng Hunyo, 2021. Ayon sa mga ulat mula sa komunidad, bandang ala-una ng hapon, pinaputukan ng mga tauhan ng 3rd Special Forces Battalion ng Armed Forces of the Philippines sina Angel, Lenie, at Willy habang nag-aani ng abaca.
Mariin din naming kinukundena na pilit pinalalabas na ang naganap na pagpatay ay tila binibigyang katwiran ng military dahil ang mga naturang Manobo diumano ay mga miyembro ng New Peoples Army. Si Angel ay 12-taong gulang lamang, estudyante ng Lumad School Tribal Filipino Program of the Surigao del Sur (TRIFPSS).
Ang pagpatay kina Angel, Lenie at Willy ay kabilang sa tumataas na bilang ng kaso ng karahasan sa mga katutubo. Noong Marso ng taong ito, 2 Dumagat sa Rizal ang pinatay sa kanilang sariling tahanan; Kabilang sila sa mga napatay sa kinilalang “Bloody Sunday.” Sina Puroy at Randy dela Cruz ay mga magsasaka na pinaghinalaan ding myembro ng rebeldeng grupo. At wala pa mang isang taon nang dinakip, tinortyur, at pinaslang ang 9 na lider Tumandok nitong Disyembre. Kasabay ito ng pag-aresto sa 18 pang kababaihan at kalalakihan mula sa kanilang komunidad. Habang kasagsagan ng pandemya, ipinasa ng gobyerno ang hindi makataong Anti-Terrorism Law at unang ‘sinampolan’ ang mga Aeta na sina Japer Gurong at Junior Ramos. Kung hindi menor de edad ay kabilang din sana sa mga sinampahan ng kaso ang 2 nilang kasamang kababaihan na dinetina ng DSWD.
Pahaba ng pahaba ang listahan ng mga katutubong pinaslang, inaresto, kinasuhan, at dinuktot sa ilalim ng marahas na gobyernong Duterte.
Malinaw na ang sunod-sunod na karahasan at paglabag sa karapatang pantao ng mga katutubo ay sistematiko. Sina Angel, Lenie at Willy, sina Japer at Junior, Puroy at Randy, ay inakusahang mga rebelde at terorista ng militar at ng gobyernong Duterte – lahat sila ay pawang mga myembro ng mga katutubong grupo sa mga komunidad na kasalukuyan ay nasa gitna ng pagtatanggol sa kanilang mga lupain laban sa pribadong interes na suportado ng gobyerno. Ang mga katutubo ay pinagnanakawan ng lupa, hindi naaabot ng batayang serbisyo ng pamahalaan, ang kanilang mga lider ay pinapaslang, at ang komunidad nila, kung ‘di man pinalalayas, ay unti-unting inuubos. Sila ba ay rebelde? Sila ba ay terorista?
Hindi ba’t mas masasabing terorista ang mga armadong naka-uniporme na walang-awang pumapatay ng sibilyan? Hindi ba’t ang terorista ay ang sumusupil at kumikitil sa sino mang di sumang-ayon at sino mang tumindig laban sa kanya at sa kanyang pamamahala?
Hindi katutubo ang terorista!
Itigil ang karahasan laban sa mga katutubo! Ibasura ang Anti-Terrorism Law!
Kilalanin at igalang ang karapatan ng mga katutubo sa lupaing ninuno, sariling pagpapasya, at pagkakakilanlan!