Pahayag ng mga katutubong kababaihan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, ngayong Buwan ng Kababaihan atLinggo ng Kababaihan.
Kaming mga katutubong kababaihan mula sa iba't-ibang tribo ng Pilipinas ay nagsama-sama para ipahayag ang aming kolektibong pakikibaka laban sa karahasan, diskriminasyon, at patuloy na paglabag sa’ming karapatang pantao.
Ngayong unang linggo ng Marso, na s'yang itinalagang Linggo ng Kababaihan, ay nagtipon kami sa Cagayan de Oro, isang daang mahigit na kababaihang Higaonon, kasama ang mga Teduray, Lambangian, Mansaka, Kirinteken Erumanen Menuvu, Erumanen Menuvu, Subanen, at Talaandig mula sa Mindanao, mga kakabaihang Iraynon Bukidnon at Ata Bukidnon mula sa Visayas, at mga kababihang Dumagat-Remontado, Aeta Abelen, at Igorot mula sa Luzon.
Ngayong makasaysayang araw ng aming panagsal-aw o pagtitipon-tipon ay inihahayag namin ang aming pagkakaisa sa pagharap ng mga hamon sa aming pangkabuhayan, at buhay na dulot ng patindi nang patinding kahirapan, ang kawalan ng kaseguraduhan sa pagkain, ang palalang epekto dulot ng climate change, at pagkasira ng kalikasan mula sa mga dambuhalang proyekto tulad ng pagmimina, mega dams at plantasyon.
Sama sama naming dedepensahan ang aming lupaing ninuno, ang kalikasan, ang aming katawan laban sa ibat ibang porma ng karahasan. Sa buwan ng Marso, mas palalakasin pa namin ang boses ng isa’t-isa at ipagpapatuloy ang sama-samang pagkilos sa pagtutulak ng aming mga karapatan, kapit-bisig tungo sa tunay na pagkakaisa at pagbabago tungo sa malaya, mapayapa at may dignidad na buhay para sa aming mga kababaihan, para sa aming mga katutubo, at para sa’ming mga katutubong kababaihan.
Mabuhay ang mga kababaihan! Mabuhay ang mga katutubong kababaihan!
LARAWAN: Binasa ni Wilma Tero-Mangilay, isang Subanen, ang nagkakaisang pahayag ng katutubong kababaihan para sa Buwan ng Kababaihan sa isang aksyon na ginanap sa Cagayan de Oro noong ika-2 ng Marso, 2023
#WomensMonth2023 #LakasNgKatutubongKababaihan