Pahayag ng mga katutubong kababaihan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, ngayong Araw ng Kababaihan
Kaming mga katutubong kababaihan mula sa iba't-ibang tribo ng Pilipinas ay nagsama-sama para ipahayag ang aming kolektibong pakikibaka laban sa karahasan, diskriminasyon, at patuloy na paglabag sa’ming karapatang pantao.
Ngayong Araw ng Kababaihan, ay nagtipon kami sa Cagayan de Oro, isang daang mahigit na kababaihang Higaonon, kasama ang mga Teduray, Lambangian, Mansaka, Kirinteken Erumanen Menuvu, Erumanen Menuvu, Subanen, at Talaandig mula sa Mindanao, mga kakabaihang Iraynon Bukidnon at Ata Bukidnon mula sa Visayas, at mga kababihang Dumagat-Remontado, Aeta Abelen, at Igorot mula sa Luzon.
Ngayong makasaysayang araw ng aming panagsal-aw o pagtitipon-tipon ay inihahayag namin ang aming pagpapanagot sa karahasang ipinalaganap ng administrasyong Duterte sa loob ng 6 na taon.
Mula sa bibig ni dating Pangulong Duterte nanggaling ang mga katagang, "Shoot them in the vagina" o “Patayin sila sa puke” at s'yang sinunod ng mga armadong kalalakihan. Pinangunahan ni Duterte ang pambabastos sa kababaihan at pinamunuan ang isang administrasyon at bansang mababa ang pagtingin sa babae at paulit-ulit na nilabag ang kanyang karapatan.Sa kanyang pamamahalaha, pinatay, tinakot, at pinatahimik ang mga kababaihang nagtatangol ng karapatang pantatao, kalikasan at lupaing ninuno.
Nararapat lang na managot si Duterte at ang kanyang mga kampon sa ilang beses na malinaw na paglabag sa karapatan ng mga kababaihan at mga katutubo at sa ilang libong buhay na pinaslang sa War on Drugs at mga buhay na kinuha ng palpak na pagresponde sa pandemyang COVID-19.
Hinahamon namin ang bagong pangulong Marcos Jr. at kanyang bise na si Sara Duterte na kung tunay silang naiiba at tunay silang naglalayon ng pagkakaisa ay hayaang umiral ang hustisya at bigyang pag-asa ang ilang libong pamilyang nangulila, at ilang libong mga nanay na nawalan ng asawa at anak. Dapat pagayagan ng gubyernong Marcos-Duterte at ibigay ang kanilang buong kooperasyon sa imbestigasyon na gagawin ng International Criminal Court (ICC) sa kaso ni dating Pang. Duterte na krimen laban sa sangkatauhan.
Kung tunay na makabayan ang bagong presidente at bise-presidente, proteksyunan nila ang mga kababaihang tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan o mga women human rights defenders. Itigil ang kriminalisasyon at red-tagging sa pagtatanggol ng karapatan at pakikibaka para sa makabuhulang pagbabago. Huwag hayaang sirain ng mga dambulahang korporasyon ang kabundukan at katubigan, at itigil na ang pagnanakaw ng lupaing ninuno mula sa mga katutubo. Kung tunay silang makatao, gawing prayoridad ang kalusugan, pagkain, tirahan, edukasyon at buhay na may dignidad para sa'ming katutubong kababaihan. At kung tunay silang para sa pagkakaisa, kilalain ang aming kolektibong pagkilos at pakinggan ang aming mga panawagan.
Sa buwan ng Marso, mas palalakasin pa namin ang boses ng isa’t-isa at ipagpapatuloy ang sama-samang pagkilos sa pagtutulak ng aming mga karapatan, kapit-bisig tungo sa tunay na pagkakaisa at pagbabago tungo sa malaya, mapayapa at may dignidad na buhay para sa aming mga kababaihan, para sa aming mga katutubo, at para sa’ming mga katutubong kababaihan.
Mabuhay ang mga kababaihan! Mabuhay ang mga katutubong kababaihan!
#WomensDay2023 #LakasNgKatutubongKababaihan