Pahirap sa mga katutubong pamayanan. Magnanakaw sa kaban ng bayan. TAMA NA! MARCOS-DUTERTE WAKASAN NA.
Saksi ang kasaysayan sa kalapastanganan ng diktador na si Ferdinand Marcos sa buhay ng mga Pilipino. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, isa sa mga lubos na naghirap ay ang Katutubong pamayanan. Kinamkam at winasak ang mga lupaing ninuno sa pagpasok ng mga logging corporations, malawakang plantasyon at dambuhalang dam. Kasabay nito ay matinding militarisasyon para takutin, at palayasin ang mga Katututubo mula sa sarili nilang lupa.
Ngayon, habang ginugunita natin ang ika-49 na taon mula nang ideklara ang Martial Law ni Marcos noong 1972, ay damang dama pa rin ng mga katutubong pamayanan ang mga hindi makatarungan, hindi makatao, at lubos na pagpapahirap ng kasalukuyang administrasyon sa mga katutubo. Mula kay Marcos hanggang kay Duterte, patuloy ang pagdanak ng dugo.
Sa panahon ni Marcos, pinatay noon ang Katutubong lider na si Macliing Dulag dahil sa kanyang pagtutol sa Chico Dam Project sa Kalinga. Ngayon ay laganap ang karahasan at patayan sa loob ng mga Katutubong komunidad. Maaalala natin ang pagpaslang ng militar sa 8 T’boli, kabilang ang chieftain, ang kanyang 2 anak na lalaki at manugang noong December 2017 sa Barangay Ned, Lake Sebu. Ang kanilang komunidad ay may mahabang pakikipaglaban para sa kanilang lupaing ninuno laban sa Dawang Coffee Plantation. Matapos ang taon 2020 ay ibinalita ang tinaguriang Tumandok Massacre, kung saan 9 na mga Tumandok na kalalakihan ang pinatay ng mga kapulisan. Ang mga Tumandok ay aktibo sa pangangampanya laban sa Jalaur Dam.
Noong Marso 2021, nangyari ang pagpatay ng pulis sa dalawang Dumagat sa Rizal. Ang mga magsasakang Katutubo ay kilala ring umaayaw sa Kaliwa Dam. Ayon sa gubyernong Duterte, ang mga walang-awang pinaslang na Katutubo ay mga armadong rebelde. Patuloy din ang surveillance sa mga komunidad, at ang red-tagging sa mga lider Katutubong kababaihan na tumatayo para sa lupaing ninuno, at karapatan sa sariling pagpapasya. Nananatili ring mailap ang kapayapaan para sa mga non-Moro Indigenous peoples na nasa ilalim ng BARMM.
Sa gitna ng pandemya, pilit na pinapapasok ng administrasyong Duterte ang mga mapanira at dambuhalang minahan tulad ng sa Didipio, Nueva Viscaya. Patuloy din ang paggigiit sa mga Katutubo para matuloy ang SMI Xstrata mines sa Tampakan, South Cotabato. Hanggang ngayon, mariin ang pag-ayaw ng mga Katutubo sa mga mapanirang minahan na ito.
Tila bingi at bulag ang gubyernong Duterte sa tunay na kalagayan at hinaing ng mga Katutubo. Sa gitna ng krisis pangkalusugan ay dahas at militarisasyon ang ipinapalaganap nito. Wala rin itong pag-amin sa kaliwa’t kanan na isyu ng kurapsyon. Tulad ng mga Marcos, pilit na niri-rebisa ang ating kasaysayan.
Taun taon na lang natin ginugunita ang malagim na bahagi ng ating kasaysayan sa ilalim ng batas militar. Sa yugtong ito, hindi na lamang sapat na tayo ay maggunita. Kailangan nating kumilos upang panagutin ang mga nagkasala.
Ang LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights) ay naninindigan at kasamang kumikilos sa pagwawakas ng mga naghahari-hariang Marcos at Duterte. Huwag nating hayaan na sila’y makabalik muli sa posisyon sa darating na Halalan 2022. TAMA NA. MARCOS-DUTERTE WAKASAN NA.
#NeverAgain #NeverForget #WakasanNa