The National Indigenous Women Gathering 2017 Manifesto
The National Indigenous Women Gathering 2017 Manifesto
(Filipino)
Manipesto ng mga Katutubong Kababaihan
Pambansang Pagtitipon ng Katutubong Kababaihan 2017
“Our Stories, Our Struggles for Rights, for Justice”
Kami, mahigit isang daan na mga katutubong kababaihan mula sa 31 na katutubong komunidad ay nagtipon sa Lungsod ng Kalookan mula 24 hanggang 27 ng Hulyo, 2017 upang sama-samang ipahayag ang aming mga saloobin at pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan at kaganapan sa aming komunidad, sa kalikasan at sa buong bansa. Kami ay mga kababaihang kumikilos noon pa man para sa depensa ng aming mga lupain at teritoryo, at sa pagtutulak ng aming mga karapatan bilang katutubong kababaihan. Kami ay bahagi ng mga organisasyon sa aming komunidad, gayon din sa iba’t ibang mga kilusan at kampanya para sa karapatan at tunay na pagbabago ng lipunan.
Kami ay mga kababaihan sa kanayunan, at ang aming mga lugar ang tunay na nakakaranas ng karukhaan at iba pang porma ng karahasan. Ang aming pagdalo sa pagtitipon na ito ay isang malakas at aktibong pagpapahayag na kaming mga katutubong kababaihan ay hindi mananahimik at kiming tatanggapin na lamang ang mga polisiya at mga pahayag ng administrasyon ng Pangulong Duterte, nang walang pagtatanong at kritikal na pagsusuri.
Sa kanyang unang SONA, pinahayag ni Pangulong Duterte sa sambayanan na kaming mga katutubo ay may armas para depensahan ang aming sarili, at ito ay ang batas IPRA. Ngunit ang batas ay mananatiling isang sulatin na mismong papatay sa amin kung hindi ito gagamitin sa maayos na paraan. At ang batas, kahit gaano kaganda, ay mananatiling mga pangako lamang, kung ang kaayusan ng ating lipunan ay mananatiling pinaghaharian ng mga mayayaman, at may matinding diskriminasyon laban sa mga mahihirap, kababaihan at sa mga katutubong mamamayan.
Magpahanggang ngayon, kami bilang katutubo ay di pa rin bilang sa opisyal na talaan o national census. At kung hindi kami bilang, kami ay hindi kinikilala, at di kabahagi sa mga programa at batayang serbisyo ng pamahalaan. Kami ay walang representasyon sa mahahalagang “governing structures” at limitadong partisipasyon sa paggawa ng mga desisyon. Kami ay napipigilan sa aming pagsasabuhay ng sariling pagpapasya sa aming reproductive rights, o ang aming reproductive self-determination.
Tulad pa rin ng mga nakaraang mga administrasyon, ang Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022 ay salat sa mga programa na tutugon sa mga batayang pangangailangan naming mga katutubong kababaihan. Bagkus, malaki ang aming takot na ang PDP ay lalong paiigtingin ang agawan at tunggalian sa aming mga lupain at teritoryo; at pagkawasak ng mga natitirang kagubatan at likas yaman; at magpapalala ng aming kahirapan at marginalisasyon.
Ang likas yaman na nanatili sa aming lupain, dahil na rin sa aming pangangalaga at pagpapahalaga, ay patuloy na nagiging sanhi ng militarisasyon, ng pagpasok ng mga dambuhalang korporasyon, at nagiging mitsa ng aming buhay bilang mga tagapagtanggol.
Ngayong ikalawang SONA ni Pangulong Duterte, may mga binitiwan syang pangako – pagpupursigi sa pangangalaga ng kalikasan, paghihigpit sa mga minahan na nakakasira ng kapaligiran; at ang pagtugon sa mga epekto ng pagbabago ng klima lalo na sa seguridad ng pagkain. Maganda sanang marinig ang mga ito. Pero hindi namin nakakalimutan ang di pagkumpirma kay dating Sec. Gina Lopez ng DENR, na siyang nagpapasara sana ng mga marurumi at “korup” na mga minahan. Sa pagkaka-alis kay Ms. Lopez, nanalo ang interes ng korporasyon ng mga minahan at ng mga tao nito sa pamahalaan.
At ano ang magiging silbi ng mga pangakong ito tungkol sa kalikasan, kung kami mismong mga katutubo ay di man napangakuan ng pag-aruga, at pagkalinga? Imbes, ang mga nabitiwang salita ukol sa amin ay pananakot at pagbabanta. Nariyan ang pagbanta na bobombahin ang iilan na lamang na paaralan ng mga katutubo dahil ito daw ay nagiging training ng mga rebelde. Nariyan ang pagsabi nya na ang lakas ng pwersa ng mga NPA ay ang mga Lumad. Napaka iresponsable ng mga salitang ito – lalo nyang pinalalala ang problema namin sa seguridad. Naiipit kami sa tunggalian ng mga NPA at militar – kung hindi kami rebelde o komunista, kami naman ay informer ng mga militar.
Paano na ang mga lehitimong pagkilos naming mga katutubong kababaihan para sa aming mga karapatan? Ang mga ganitong pananalita ay tahasang pananakot, pag-gigipit at pagpapatahimik sa amin. At kung iisipin, ito ay nanggagaling mismo sa Pangulo ng ating bansa; ang tinuturing na ama ng ating bayan. Napakasakit naman na magkaroon ng ama na puno ng karahasan, at kalupitan. Nangako sya na lalong paiigtingin ang gyera laban sa droga, ang gyera laban sa terorismo – na sa loob ng kanyang unang taon, ay pinatunayan nyang ang mga ito ay gyera laban sa aming mahihirap. Ito ay napakalungkot, at hindi katanggap-tanggap na mismong ama ng bayan, ang syang patuloy na nanghihikayat ng patayan, ng karahasan, sa kanyang sinumpaang pangangalagaan.
Pero kahit may takot man sa aming kalooban, para sa aming pamilya, sa aming komunidad, at para sa aming sarili, kami ay di matitinag. Kami ay hindi patitinag sa isang Pangulo na hindi marunong kumilala sa salitang “karapatan” at “paggalang”. Sa paghamon ni Pangulo Duterte, lalo kaming titindig upang ipaglaban ang aming karapatan bilang katutubong kababaihan, at ipagpapatuloy ang pagdepensa sa aming lupaing ninuno.
Ang dangal at dignidad ng kababaihan ay patuloy na niyuyurakan ng tila naghaharing presidente. Kung kaya’t ang aming pakikibaka ay pakikibaka para sa lahat ng kababaihan.
Kami, higit isang daang katutubong kababaihan, nagmumula sa 31 na katutubong komunidad, ay nangangako na aming palalakasin ang aming mga sarili, organisasyon at komunidad, palalawakin ang aming hanay, upang ang boses ng katutubong kababaihan ay mas maging maigting at kasama ang tinig ng buong katutubong mamamayan, at kilusang kababaihan, na bibiyak sa kulturang mapang-api, mapanupil at mapagsamantala.
Sama-sama kaming kikilos at igigiit ang mga sumusunod –
Angkop na kaunlaran at ekonomikong kapangyarihan ng Katutubong Kababaihan Karapatan ng Katutubong Kababaihan sa Edukasyon
Karapatan sa Lupaing Ninuno
Hustisyang Pangkalikasan
Reproductive Self Determination o Sariling Pagpapasiya sa Pangangalaga sa Sarili at iba pang usaping pangangatawan at pangkalusugan
Dignidad at Karapatang Pantao ng Katutubong Kababaihan
At ng iisang tinig, kami ay nananawagan –
Itigil ang militarisasyon lalo na sa loob ng aming lupaing ninuno.
Itigil ang di makatarungan giyera laban sa mga mahihirap at katutubo.
Itigil ang red-baiting o ang walang katibayan at malisyosong pagtatak sa mga katutubo bilang kaaway ng administrasyong Pangulong Duterte.
Itigil ang batas militar.
Tiyakin ang representasyon ng katutubo sa usaping pangkayapaan bilang isang independent IP voice.
Pinagkasunduan nitong 26 ng Hulyo 2017 a
sa Villa Consuelo Retreat House, Camarin, Lungsod ng Kalookan (photos by: Susan Corpuz/LILAK)